“Ngunit kung ang bayang ito na nagtataglay ng aking karangalan ay magpakumbaba, manalangin, hanapin ako at talikuran ang kanilang kasamaan, papakinggan ko sila mula sa langit. Patatawarin ko sila sa kanilang mga kasalanan at muli kong pasasaganain ang kanilang lupain.” 2 Cronica 7:14 (MBB)
Ipinakita dito ng Diyos kung gaano Niya tayo kamahal, na sa kabila ng mga nagawa nating kasalanan, pagkukulang, pagtalikod, at hindi pagsunod sa kanyang utos, ay patuloy nya tayong binibigyan ng pagkakataon bumalik sa Kanya. Kapag tumawag at inuna natin Sya kasabay ng pagtalikod sa mga masasama nating gawain, Sya ay tapat na patatawarin tayo. Ang mas kahanga-hanga pa dito ay hindi lamang tayo ang makakaranas ng biyaya mula sa Ama kundi pati ang ating bayan.
Pagninilay
Magpatuloy na hanapin at unahin ang kaluwalhatian ng Diyos at tumalikod sa ating mga kasalanan.
Patuloy na maglingkod sa Panginoon at basahin ang kanyang buhay na salita araw-araw upang maging bahagi ng paghilom ng ating bansa.
Panalangin
Panginoon, nagpapasalamat ako sa mga biyaya na iyong ibinibigay. Salamat na kahit ako’y hindi karapat-dapat humarap sa iyo dahil sa aking mga kasalanan, ako ay nilinis mo ng iyong banal na dugo. Sa aking kahinaan, ikaw ang kalakasan ko. Sa mga panahon na ako’y nalulumbay, ikaw ang nagtataguyod muli sa akin kahit na hindi ko sinusunod ang mga pag uutos mo. Panginoon, patawarin mo ako. Salamat sa pagkuha sa akin sa mga sandaling nawawala ako sa piling mo. Salamat sa pagkakataon na muli kitang matawag na Ama. Sa’yo lamang ang pagpupuri at pagsamba. Sa pangalan ni Hesus, Amen.
— — — —
Ruel