Minsan pisikal, madalas emosyonal.
Ang mga tulak ng hangarin nating sumabay sa mabilis at matayog na pamantayan ng mundo ang kadalasang naglalagay sa atin sa puntong pagsuko na lang ang natitirang solusyon. Sa pagsukat natin sa lahat ng ating pagsisikap, haharapin natin ang katotohanang kailanman, lahat ng ito ay hindi magiging sapat upang abutin ang tunay at pangmatagalang pahinga at kaligayahan. Idagdag mo pa ang krisis na kinakaharap ng mundo ngayon. Napakadaming planong naglaho, hinaharap ang bukas na walang kasiguraduhan. Iniiiwan tayong puno ng mga katanungan at pagkabalisa. Nakakapagod.
Paano nga kung tama ka na pagsuko na lang ang solusyon? Ngunit ang pagsukong ito ay hindi gaya ng sinasabi ng mundo. Iba ito. Ito ay pagsuko sa Panginoong isinuko ang Kanyang buhay upang mabigyan tayo ng kapahingahan. Hinding-hindi natin kayang sukatin ang Kanyang pagmamahal dahil ito ay lubos at umaapaw. Ang mga bagahe na pasan mo ay kaya Niyang dalhin upang pagaanin ang buhay mong bigat na bigat na. Ang kailangan mo lang gawin ay lumapit at manampalataya. Ang Kanyang pangako ay kapahingahan.
“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.”
Mateo 11:28
_____________
Valleen Bacarisa
May 27, 2020